Pinakakupal

Unahan na kita, inosente ako sa insidenteng ’to. Biktima pa nga. Pero kung pagmamasdan mo ako habang pinagmamasdan kong mamatay ang pinakakupal na tao, marahil maalarma ka dahil hindi lang ako kalmado, nakangisi pa. Aakalain mong ako ang dahilan kumbakit agaw-buhay si gago. At kung magtama man ang paningin natin sa sandaling ’yun, ’di malabong mabasa mo ang planong nahihinog sa ulo ko—isang multong tatagos sa pader… at tuluyang maglalaho.

Dapat lang sa kanya ’yan.

*

Nagdadalawang jeep ako tuwing papasok sa opisina. Itong pa-Guadalupe na sinasakyan ko ngayon, ta’s, jeep pa-Ayala. Maikli lang ang biyahe kung tutuusin pero ang 15 minutes na pag-upo ay nagiging 40 minutes o higit ’sang oras pa nga dahil sa sikip ng trapik, lalo na ’pag ganitong maulan.

“TL, bka d po aq makapasok dhl baha n d2 smin.”

“bwl umbsent ngyn. It’s critical wrking day.”

“Cge, TL.”

“no pressure. it’s only ur job at stake.”

SMS convo namin ng team leader ko. Malakas ang ulan kanina, ga-lulod ang baha sa labas, at ang iniintindi niya ay ang pagiging kritikal ng absenteeism rate ng kompanyang nasa loob ng building na may mahigit 20 palapag, may glass windows na triple ang kapal kaysa plywood, at may emergency exit kada floor. Dalawa lang ang dala-dalang problema ng ganitong uri ng panahon sa opisina: 1) basang sahig sa ground floor, ’di dahil sa baha kundi sa mga basang sapatos, kapote’t payong ng mga imortal—ang tawag sa mga empleyadong pumapasok pa rin bagaman nadelubyo na; 2) at ang pagkawala ng signal ng cable TV sa pantry. Alam ko naman ang totoong dahilan kumbakit ganyan ang reply niya. Mawawalan kasi siya ng bonus ’pag lumagpas sa threshold ang absenteeism rate ng team. Ganoon ang sistema. Sa aming mga ahente nakasalalay ang performance bonus ng isang TL kaya gan’yan siya makapiga.

Si TL Mer ang pinakakupal na taong nakilala ko hindi lang sa loob ng kompanya, kundi sa buhay ko. Bukod sa pagiging sarkastiko, mahilig siyang magbansag ng palayaw sa kung sino-sino tulad ng “ulo,” “bunganga,” “daga,” at kung ano-ano pa. “Palits” ang tawag niya sa’kin, pinaikling “palito” dahil payat ako. Lahat kami sa team may mga bansag na imbento niya. Para siyang bully sa school. Well, mukha naman talaga siyang ganu’n kasi matangkad siya, 5’10”, chubby, at parang tustadong pandesal ang kulay ng balat. Masikip sa kanya ang mga damit niya at may ilusyong ang tiyan at baywang ay iisa, kaya mataas magsinturon. Si Damulag sa Doraemon ang nakikita ko sa kanya pero imbis na Japanese anime, siya ’yung 35-year old Chinese version. Singkit ang mga mata niyang parang hiniwa ng cutter. Lagi ko siyang nakikitang kinakalabit ang ilong tuwing nasa harap ng computer. Akala niya ikinapogi niya, akala niya pandagdag angas. Nakainuman ko ’tong si Mer nang isang beses at kung mayabang ’pag sober, Super Saiyan ang kahambugan niya ’pag nakainom. Imported daw lahat ng Nike shoes niya. Dating modelo raw sa kung anong ancient magazine ang nanay niya. Ang tatay naman, naging basketball player daw sa PBA. At ang angkan daw niya, may napakalawak na land property sa Pangasinan. ’Eto malupit: nakarating na rin daw siya sa America, London, at Paris. Wag ako, Damulag. Iba na lang, sa loob-loob ko kada pahangin niya. Nagyoyosi siya sa harap ng building tuwing lunch break kasama ang mga kapwa niya damulag (mga boss naming overweight) kaya sa likod naman ako pumupuwesto, sa parking lot. Mas malayo sa kupal, mas okay.

Teka, gaano nga ba kakritikal ang Critical Working Day na panakot niya? Let me explain: ang araw ng sahod at ang araw pagkatapos nito, kung magkataong may pasok man sa mga araw na ’yun, ang tinatawag na Critical Working Days o CWDs. Dalawang magkasunod. At kung a-absent ka, uulitin ko, on payday or the day after, magiging dalawa ang katumbas ng absent mo. Dalawang absent kahit isang araw lang ang hindi mo pinasukan. One is equal to two. Purumpurong kagaguhan. At siyempre, ayon sa kanila, nasa pinirmahan kong kontrata ’to. Ewan kung nakasulat ba talaga ’to du’n, saka ’yung araw-araw na one-hour mandatory overtime. Ewan din kung sino’ng mas gago. Pero sino nga ba’ng nagbabasa ng kontrata? Dito sa’tin, basta may trabaho, solb. Kahihiyan ka kung aangal ka. Ituturing na pabigat at eksaheradong KSP hindi lang ng mga “bosses” (silang alipin lang din naman ng mga dayuhan) kundi pati ng mismong kapwa ahente.

Kaya wala akong nagawa kundi maligo’t igayak ang mga gamit. Hinugot sa pagkaka-charge ang Samsung S5 na nakapatong sa cabinet, at binunot din ang mumurahing Nokia na company phone, saka ito binulsa sa suot na pantalon.

Habang nasa jeep, inilabas ko ang Samsung, sinaksakan ng Marshall Headphones, at nakinig sa City of Blinding Lights ng U2. “Ma, bayad ho,” sabi ko, bagaman hindi ko marinig nang maigi ang sarili. May nag-abot ng bayad ko sa drayber dahil nakapuwesto ako malapit sa estribo. Nginitian ko ang lalaki na mukhang sa call center din nagtatrabaho. Naka-long sleeves na polo, maong pants, at leather shoes na nagbabakbak. Trainee pa lang siguro. Mahigpit talaga sa dress code ang mga kompanya lalo na kung nag-uumpisa ka pa lang kaya ’eto, nakapormal si kuya kahit umuulan. Naka-wax ang buhok niya, mahaba ang baba, at parang nininerbiyos dahil nagbubutil ang pawis sa noo’t ilong kahit malamig naman. Idagdag pa ang walang hinto niyang pagkuyakoy. Yup, trainee nga. Baka may certification na gagawin ngayong gabi.

Tanda ko ang bawat pambabarubal sa akin ni Mer. Isa sa mga hindi ko malilimutang ginawa niya ay no’ng nangailangan ako ng TL dahil naghahanap ng supervisor ’yung caller. Nilagay ko sa hold ’yung tawag at lumapit sa station niya.

“Sup call, TL,” sabi ko.

“Sup call?” Tanong niya nang hindi inaalis ang pagkakatitig sa monitor, sabay kalabit sa ilong.

“Yup.”

“You know who the problem is? It’s not the customer. It’s you, man,” sabay lingon sa akin.

Natigilan ako. Napaatras ang ulo kong tila itinulak ng mga salita niya.

“Napakahina mo kasing mag-handle ng call. I’ve been listening to your calls and there’s one thing I’ve noticed: wala kang conviction kapag nagsasalita. Hindi kulang e, wala talaga. That’s why walang trust na nabubuo between you and the members. That’s why nakakakuha ka ng bad surveys from them. Ganito, I’ll send you something via webmail. Naka-attach du’n ’yung mga calls ko dati nu’ng ahente pa ’ko. Bakasakaling makapulot ka ng best practices in call handling. ’Di naman sa pagmamayabang, pero alam mo kung ano’ng alias ko dati when I was still an agent? Mr. Commendation. Seriously. Cross my heart.

“Anyway, kung ganyan ka talaga brad, wala na akong magagawa. Escalate the call. I’ll take care of it. Ganito naman palagi ’di ba?” Sabay ngisi.

Bumalik ako sa upuan ko at ipinasa ‘yung tawag sa kanya. Kung pwede lang taniman ng bomba o lagyan ng ebola ’yung call bago ipasa, ginawa ko na. Ang dami mong sinabi, hayop ka, ayaw mo lang mag-take ng sup call. Gusto kong sagutin ang tanong niya ng, “oo, ganito naman palagi. Most of you motherfuckers e ayaw sumagot ng sup call kaya nagagalit kayo sa ahente tuwing hihingan kayo ng tulong.” ’Pag kasi ang tawag naging “sup call” o “supervisor call,” naghahanap na ng manager, supervisor, o kung sinong higher-up ang caller para kausapin at paglabasan ng sama ng loob. At ang pagsagot dito ang isa sa mga pangunahing responsibilidad ng TL sa kanyang team. In other words, walang utang na loob ang ahente sa TL niya kung saluhin man nito ang call dahil trabaho niya ’yon.

May isa pa. Tanda ko nasa pantry kami nang mangyari ’to:

“May coaching session ka mamaya with QA, alright?”

“Sige po, TL.”

“Hindi mo ba itatanong, why?” kinalabit na naman ang ilong.

Hindi na ako nagtanong kasi malalaman ko naman mamaya kumbakit. Hindi ko na siya sinagot.

Sinundan niya ng, “there was a call na naging rude ka raw sa member.”

Malakas ang boses niya at alam kong ipinaririnig niya ’to sa lahat ng nasa pantry. “Anong call, TL?” Totoong nagtataka ako dahil wala akong matandaang ganu’ng eksena. In fact, mataas nga ang surveys na na-receive ko mula sa mga members.

Parang nabasa niya ang nasa utak ko at sinabing, “I know you’ve received good surveys this week but remember not to put it all in your head. You gotta take care of the members, boy!”

Sinigaw niya ’yung huling pangungusap. Nagtinginan ang lahat sa amin gaya ng gusto niya. Yumuko ako.

Nakarating na ako sa Zapote at saktong may jeep pa-Ayalang huminto para magbaba ng pasahero. Agaw-pansin ang mukha ni Bob Marley sa katawan nito, at sa ilalim ng mukha niya’y nakasulat ang, “Every little thing is gonna be alright.” Mabilis akong sumakay para ’di mabasa, pumuwesto sa likuran mismo ng drayber. Tulad ng ibang jeep na pumapasada sa gabi, may anim na hugis strawberry na ilaw ang jeep na ’to—dalawang blue sa harap, dalawang green sa gitna, at dalawang red sa likod. Magkatapat ang parehong kulay, isa sa kaliwa, isa sa kanan.

Pito kaming pasahero nu’ng umakyat ako. Pampito ako. Tatlo ang nakaupo sa kanan, apat naman sa hanay ng inuupuan ko. You Only Live Once ng The Strokes ang tugtog sa headphone.

Nang akmang ilalabas ko na ang coin purse para magbayad, may humawak sa braso ko—si TL Mer. Puta. Swerte. Siya pala ’yung nasa kanan ko. Sa lahat ng makakasabay bakit siya pa? Ngayon ko lang nakasabay si Damulag sa rutang ’to.

Bukas-sarado ang bunganga ni Mer kaya tinanggal ko ang headphone sa ulo, saka pinindot ang pause button sa kurdon. Maling-mali si Bob Marley.

“…akala mo kung sino, ano?” ’Di ko narinig ang unang bahagi ng sinabi niya.

“Uy, TL.”

“Dito ka pala sumasakay Palits,” nakangiting parang aso, sabay kalabit sa ilong.

“Oo, ikaw rin?” Alam ko namang hindi. May masabi lang. Napansin kong Nike ang Jacket niya.

“Hindi, ngayon lang. Dumaan lang ako sa tita ko d’yan sa Zapote. May sakit e.”

“A. Anong sakit?” Wala akong pake sa sagot mo.

“Breast cancer.”

‘Tang ina, bigla akong nakonsensiya. I hate the fucker pero maling idamay ko ang tita niya sa pagkasuklam ko sa kanya. Nahalata niya yatang nangangapa ako kung paano ipaaabot ang simpatya kaya hinawakan niya ’ko sa balikat sabay, “Joke lang, ha ha ha, walang breast cancer ang tita ko! Nagpasama lang s’ya sa’king bumili ng mga silya kanina, ha ha!”

Gusto kong bumaba. At mukhang minamalas nga talaga ako dahil kung anong luwag ng daan kanina pa-Zapote, kabaligtaran naman dito sa may Kalayaan Ave. Trapik. Friday ngayon at payday pa kaya napakaraming sasakyan kahit ganitong gabi na. Matagal-tagal ding plastikan ’to, ibig sabihin. Ayaw na ayaw ko ng ganito. Kahit ano ’wag lang ’to.

“Napanood mo ba ‘yung NBA kanina? Sino’ng nanalo?”

“Hindi e,” brace yourself, babala ko sa sarili.

“Pero nagba-basketball ka?”

“Minsan,” wait for it.

“Panoorin mo kami bukas. May laro kami laban sa Trust and Safety deparment. Kami’ng nag-champion last year.”

Bam! Basa na kita. Sabi na nga ba. Sesegwey na naman ’to ng kahambugan niya. “Sige TL,” sagot ko, “kung wala ‘kong gagawin, baka manood ako.”

“Alrighty! Nanalo kami last game e. Ako ang nagpa—”

Naputol ang pagyayabang ni Damulag dahil sa sigaw. Hindi ko maintindihan nu’ng una kung ano bang trip ng lalaking naka-upo malapit sa may estribo. Akala ko nanlilimos o nagbibigay babala sa nalalapit na Apocalypse. Naging klaro ang senaryo nang makita ko ang kanang braso niyang sakal-sakal ang leeg ng katabing babae, at ang balisong sa kabilang kamay na nakatutok sa mukha ng hostage.

“PUTANG INA NIYO! WALANG GAGALAW KUNDI PAPATAYIN KO ’TO! SELPON! ILABAS NIYO’NG MGA SELPON NIYO!”

Walang kumikilos. Walang naglalabas ng hinihingi.

“ANO? SELPON! PUKING INA!”

“Boss, kalma lang. Baka puwedeng—”

“’WAG KANG MAKEALAM DITO, MADADAMAY KA! MAGMANEHO KA LANG!” Sagot ng lalaki habang dinuduro ng patalim ang kausap.

Walang nagawa ang pakiusap ng drayber. Nakikita ko ang nangyayari pero magulo para unawaing maigi. Napaurong ako’t napakapit nang mahigpit sa bag na nakapatong sa hita ko.

Sumikip ang dibdib ko. Gusto kong tumakbo, imposible naman dahil nasa pinakaloob ako ng jeep.

Malikot ang mga mata ng holdaper pero ramdam kong nasa akin ang pokus niya dahil nagkakatitigan kami. Nanlalaki’ng mga ito. Nangangalit ang panga at litid sa leeg. Pawisan. May kulay pulang sinag sa paligid ng ulo niya, kapareho ng halo ni Kristo sa mga paintings. Malalaman kong dahil ’yun sa pulang ilaw na nasa likuran niya. Malalaman ko ring hindi ito ang unang pagkakataong nagkatitigan kami. Ngiti ang ibinigay ko sa kanya kanina, panlalaki ng mata ngayon. Pamasahe ang ipinasuyo ko kanina, mukhang buhay ang ipakikiusap ko ngayon. Hindi ko napansing sumunod pala siya sa’kin at sumakay rin sa jeep na ’to. Siya ’yung nag-abot ng pamasahe, ’yung nginitian ko, ’yung inakala kong trainee. Walo pala kami dito, putang ina. Nilabas ko ’yung CP kanina. Siguro dahil du’n kaya siya sumunod? O baka paranoid lang ako at coincidence lang ang lahat? Bakit hindi pa niya ako hinoldap kanina sa unang jeep, pa-Zapote?

Magulo na ang buhok ng babaeng sakal-sakal sa leeg. Nanginginig siya’t walang lakas para sumigaw. Tinuro ako ng holdaper gamit ang balisong. “Ikaw! Akin na ’yang selpon at hedpon! DALI, TUTULUYAN KO ’TO!” Napalunok ako. Dumadagundong ang dibdib habang tinitingnan ko si TL Mer at ang ibang pasahero. Nang magtama ang mata namin ng babae, para akong nanalamin. May lumilingkis na braso sa leeg ko kahit wala naman. Napalunok ulit ako, ni hindi ko napansing nanunuyo ang lalamunan ko.

At bigla kong naalala na dala ko nga pala ang phone na bigay ng kompanya, ’yung Nokia. Nanginginig ko itong kinuha sa bulsa ng pantalon. Nanginginig din ang mga tuhod ko nang bahagya akong tumayo upang ibigay ito sa humihingi.

Inunat ko ang braso ko sa holdaper. Nang malapit na sa kanya ang kamay ko, tinapik niya ’to nang malakas. Nagkalasan ang mga parte ng Nokia nang sumalpok sa maputik na sahig ng jeep. “GINAGAGO MO BA AKO?!” Malakas ang sigaw na tumulak sa akin pabalik sa dating puwesto, sa likod ng drayber. Nakita niya ang gamit kong Samsung S5 kanina at ’yun ang gusto niya. “Sa lahat ng tatarantaduhin mo, ako pa? Du’n ka nagkamali!”

Biglang pinakawalan ng lalaki ang hostage. Tumayo. Alam kong lalapit siya sa akin para itarak ang balisong. Hindi gan’to ang nasa isip ko nang sabihing, “kahit ano, ‘wag lang ’to.” Wala sa isip ko’ng mamatay. Ano’ng laban ko? Ano’ng ibubuga ng patpatin kong mga biyas? At naisip kong, sa katawan na lang. Sa katawan na lang sana ako saksakin, ’wag sa ulo o mukha.

Kinakapos sa hangin. Mistulang mabubutas ang dibdib sa lakas ng tibok ng puso. Mauunahan pa yata ng nerbiyos ang balisong sa pagpatay sa’kin. Yumuko ako, pumikit, at ipinormang X ang nangangatal na mga braso, umaasang masasalag nito ang anumang atakeng gagawin niya.

May dumagan sa’kin.

Nagkagulo sa loob ng jeep. Nakatatarantang tili ng babae at solidong mura ng mga lalake. Mabibigat na padyak sa metal na sahig. Nalaman kong likuran ni TL Mer ang dumadagan sa’kin, nang dumilat ako. Tinatadyakan niya ang holdaper habang nakakapit sa sandalan ng drayber at sa bintana ng jeep. Isa, dalawa, limang tadyak. Putok ang labi’t duguan ang ilong ng lalaki. Sumalpok ang balisong sa sahig. Isa pang tadyak ay gumulong palabas ang holdaper, tumama ang katawan sa front bumper ng Toyota Vios na, dahil sa trapik, kaunti na lang ay dikit na sa estribo. Sumilip ako sa bintana, nakatayo agad ang holdaper na mabilis tumakbo pabalik sa dinaanan namin. Naglaho siya sa pagitan ng mga nakatigil na sasakyan, sa gitna ng ulan.

“Ayos ka lang, Palits?” Tanong ni Mer, nakapikit habang hinahabol ang hininga.

“Okay lang ako, TL. Ikaw?” Nanlalatang sagot ko.

“Ayos lang… ina nu’ng babalu na ’yun.”

Matapos ang ganitong tagpo, ang ganitong komosyon, hindi na siguro kakayaning indahin ninuman maging ang sakit ng salubsob o ang sakit ng ’di sadyang pagkagat sa sariling dila. Isa lang ang hiling ko sa mga oras na ’to. Na sana nga totoo ’yung sinabi niya. Sana nga ayos lang siya, nang matapos na ang kamalasang hatid ng gabi. Pero hindi. May saksak si TL Mer sa kaliwang dibdib, bandang kili-kili. Butas ang suot niyang gray na Nike jacket at malakas ang tagas ng dugo. Hindi ko alam ang gagawin. Mangmang ako sa first aid. Fuck.

At bigla kong naisip—tila kidlat na gumuhit sa’king kukote—sa gitna ng kalituhan at pagkataranta, na karma niya ito sa lahat ng kagaguhan niya, na tama lang ang dinaranas niyang ’to, na dapat lang sa kanya’ng mahirapan.

Habang nakatingin ako sa nanghihina’t duguang Damulag, naisip ko kung mamamatay ba siya. O mas tama, kung dapat ba siyang mamatay. O Kung may malulungkot ba sa pagkamatay niya. Sino ba kasi ang nagsabing salagin mo ’yung balisong? Wala ‘kong utang na loob sa’yo Damulag. Ano kaya’ng gagawin mo sakaling ako ’yung nasaksak? Hula ko, bababa ka, papara ng jeep at papasok sa trabaho na parang walang nangyari. Kung umalis kaya ako at iwan ka? Tama, aalis ako. Tutal kung mamatay ka, wala namang nakakaalam na nakasabay mo ako. Wala rin namang nakakakilala sa’yo sa Zapote kundi tita mo. Isa pa, ’pag namatay ka, wala nang epal sa opisina. Wala nang panira sa araw ko. At siyempre, paniguradong tataas ang performance stats ko, lalong mamo-motivate pumasok, meaning, lalong lalaki ang bonus ko ’tang ina mo.

Bakit ako makokonsensiya? Sa loob ng ilang buwang nakasama kita, napatunayan kong wala nang mas kukupal pa sa’yo. At hindi ako ang sumaksak. Biktima lang din ako. So technically, hindi ako ang pumatay sa’yo. Walang kasalanan, malinis ang konsensiya. Buti pa’t i-enjoy ko na lang ’tong once in a lifetime priceless front row seat sa epic death scene mo.

Unti-unting kumalma ang katawan ko habang iniisip ang mga ’to. Balik sa dati ang paghinga. Tumigil ang panginginig ng katawan. Umayos ang pulso. Natagpuan ang kapayapaan sa gitna ng kaguluhan.

Nakangisi kong ipinataw ang hatol: dapat mamatay si Mer at dapat lang na iwan ko siya rito. Tatayo ako, bababa sa jeep, magpapanggap na isa sa mga napadaang usyoso at dahan-dahan, dahan-dahang mawawala sa eksena kasabay ng mga taong walang pake.

Isang multong tatagos sa pader… at tuluyang maglalaho. Tama lang sa kanya ‘yan.

Kinilabutan ako at napa-iling. Pumikit. Dumilat. Ano ba ’tong mga ’to? Ako ba talaga ’to? Gan’to ba talaga ako? Napa-iling ulit. Nilalamon ako ng mga tarantadong ideyang naninirahan pala sa akin nang hindi ko alam.

Nang matauhan ako ay siya namang pagkawala ng malay ni TL Mer. Nagpatulong akong  ihiga siya sa sahig ng jeep. Nagbubutil ang pawis sa mukha niya. Kumakalat ang mapa ng dugo sa kabuuan ng kanyang dibdib, gumagapang hanggang sa kaliwang balikat. Nawala ang angas, parang hindi siya ’yung TL na pagkalabit sa ilong ang mannerism.

Napatunayan kong mahirap pumatay ng ideya gamit ang pagpikit at iling. Kung kanina’y tila palad itong sa bawat haplos ay kinakalma ako, ngayo’y kamao na itong bumabayo sa’king ulo. Bumaba ka na—umalis ka na—BUMABA  KA NA! At ipinakita nito ang naglalakad na ako sa Zapote, patungo sa sakayan pauwi, pa-Pedro Gil, habang nakapamulsa ang isang kamay at may ipit na sigarilyo ang kabila. Parang pinanonood ko ang sarili sa TV. Naka-headphones at nakikinig sa musikang may lyrics na: niligtas ako ni TL. Iniwan ko siya. Wala akong kasalanan. Paulit-ulit. Niligtas ako ni TL. Iniwan ko siya. Wala akong kasalanan. Parang dasal na ilang beses inuusal. Bagaman walang tono ang pagkanta, may torotot, gitara, at tambol na maririnig. Mala-Radioactive Sago Project.

Sumigaw ako. Malakas. Itinulak ang TV. Nabasag.

Nanlaki ang mga matang nasa loob ng jeep. At kahit gulat, hindi sila nanghingi ng paliwanag.

Parang walang nangyari, kinuha ko ang phone at tumawag ng ambulansiya sa Makati Medical Center. Ang problema, itong trapik. Biglang bumaba ang driver ng jeep at tumakbo palayo. Hindi ko alam kung saan pupunta. Kasabwat ka? Kapal ng muka mo, isip ko habang hinahabol ng tingin ang tumakas. Nagbabaan din ang ibang pasahero. Patuloy ‘kong tinawagan ’yung iba naming katrabaho para sabihin kung ano’ng nangyari. Kinuha ko ’yung phone ni TL para tawagan kahit sino sa pamilya niya. Buti walang password. Nakontak ko ang nanay niya. Matapos ang insidenteng ’to, maiisip kong mabuti nang sumagot ng tawag na mula sa 85 years old na lolang hindi matandaan ang password sa account at nanghihingi ng eksplenasyon tungkol sa natanggap na billing statement, kaysa gumawa o makatanggap ng ganitong klaseng tawag. “Nasaksak siya bago pa n’ya masipa ’yong lalake,” sabi ng isang pasaherong walang ginawa kundi manood. Ano nang gagawin? Naluluha ako. Panay ang diin ng daliri sa sintido, panay hilamos ng kamay sa mukha. Gusto ko ulit sumigaw. Gusto kong magwala. Nilapat ko ang sariling palad sa sugat ni TL, saka diniinan, nagbabaka-sakaling makatulong ito kahit kaunti.

Nagsimulang magkumpulan ang mga tao sa labas. Kahit ganitong gabi’t maulan, hindi mawawala ang mga usyoso. Mula sa batang nakapaa’t marungis, hanggang sa de-kotse’t disente. Audience sila sa nagaganap na eksena sa loob ng jeep. Wala pa ring ambulansiya. Walang pulis na mahagilap. Walang tumutulong na kahit na sino.

Saka ko maaalala na katabi namin ang Manila South Cemetery, at maidudugtong na itong jeep ang nagsilbing kabaong/karo na rin ni Mer, at ito’y ’di na uusad pa dahil dito mismo, sa tapat ng sementeryo, ang destinasyon nito. Wala ’kong ideyang makikipaglibing pala ako ngayong gabi. Sa kawalan ng pag-asa at habang inuusig ng konsensiya, napapikit ako tulad kanina.

“Tumabi kayo! Tabi d’yan, tabi d’yan!” sigaw ng isa sa labas kasabay ng pamilyar na tunog ng tambutso. Bumalik ang drayber na may kasamang nagta-tricycle. “Ayoko may mamatay sa jeep ko, ayoko nun. Malas yun!” sabi niya. Agad naming sinakay si TL dito. At nang kumanan kami palabas ng Kalayaan Ave., lumuwag ang trapik at dirediretso naming naihatid si TL Mer sa Makati Med.

Nag-taxi na ako pauwi. Hindi na ako nakapasok. Tumugtog ng Three Little Birds si Bob Marley sa headphone. Umalis ako sa ospital ilang oras matapos dumating ang magulang at tita ni TL Mer. Iniwan ko siyang stable ang kondisyon bagaman wala pa ring malay at may nakapasak na tubo sa bibig. Sa kabila ng panghihina, sinubukan kong ibigay ang buong detalye ng insidente sa kanila. Nagpasalamat sila sa akin. Kundi raw dahil sa akin, baka kung ano nang nangyari sa Mer nila. Sabi ko, wala pong problema. At dinagdagan ko nang, ako po ang dapat magpasalamat kay TL. Kung ’di dahil sa kanya, ako ang nasaksak at nakahiga ngayon dito.

Totoo kaya ’yung sinabi ko? Talaga bang ’yun ang nararamdaman ko? Na nagpapasalamat ako kay TL? Gusto ko sanang tanungin ’yung nanay niya kung totoo bang naging model siya dati sa magazine. O ’yung tatay niya kung dati ba talagang basketball player. O kung may lupain nga ba talaga sila sa Pangasinan. Pero ‘di ko na ginawa. Wala namang magbabago kahit malaman ko ang sagot. Na-realize kong minsan, nakakatakot hagilapin ang katotohanan, dahil in the process, maraming mahahalungkat na kasinungalingang aakalain mong tunay, at dapat mo silang harapin at, eventually, magapi. Pero once na nahanap o nahawakan mo na ang totoo, balibaligtarin man ito, tabunan man ng sandamakmak na kasinungalingan o kahit bitawan mo pa, palaging may parte ng katotohanang ’yun na mabubuhay sa pagkatao mo, at parte ng pagkatao mo, na mabubuhay sa katotohanang ’yun.

Isang pagod na tawa ang kumawala nang maisip ko kung gaano naging kakritikal ang araw na ’to, Critical Working Day nga. At kahit may pagdududa sa mga sariling salita nu’ng nasa ospital, sigurado naman ako sa gagawin mamaya. Dadalawin ko ang pinakakupal na taong nakilala ko.

 

 

(Nagwagi ng unang karangalan sa Saranggola Blog Awards 2015)

Ito’y aking lahok sa Saranggola Blog Awards.

Saranggola 336x280

Advertisements

8 comments

  1. duking

    sa’yong sayo ang karangalan bilang nangungunang likha para sa SBA. napakaganda ng piyesang ito. nahuli ng bawat salita ang buhay at karakter ng mga tauhan kasama ng lahat ng damdamin ng mga nakapaloob sa kwentong ito.

    isa akong ganap na tagahanga at tagasubaybay. pagbati at maligayang bagong taon ng marami pang paglikha!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s